Sa aking pagtalima sa serbisyong hatid ng Multiply, nais kong ayusin ang aking mga likha at muling magsulat sa blogosphere.
Nais ng aking mumunting espasyo na ilathala ang aking mga opinyon hinggil sa mga isyung nakasasalubong ko sa araw-araw. Nais ko rin ilathala rito ang aking mga katha ng pagkakalantari ng aking utak. Isa itong kuro-kuro:
Matagal nang adhikain ng ating bansa ang maging isang bansang 1st World - isang bansang nakaaangat sa larangan ng imprastruktura, medisina, teknolohiya, at iba pang siyensiya. Masalimuot ang ating pag-angkla sa nasabing adhikain.
Una, hindi natin napapansin ang hegemony. Bahagi na ng ating kubling-malay ang ideyal na tunguhin ng ating bansa - isang 1st World na bansa. Saan nga ba nakabatay ang ideyal ng isang 1st world? Hindi ba't sa Kanluranin? Kung gayon, hindi na nga natin pinagtatalunan pa at inaayudahan pa ng ating edukasyong pambansa na ang dapat na tunguhin ng ating bansa ay batay sa Amerika o Europe.
Teka, sabi ko Kanluranin. Kanluran saan? Kung gagawa ako ng mapa at ilalagay ko ang dapat Pasipiko sa gitna, hindi ba't ang Asya ang nasa Kanluran?
Pangalawa, saan nga ba nasusukat ang kaunlaran? Sa pagsusog nga ba ng siyensya (katulad ng umiiral na sistema sa ating edukasyong pambansa)? Hindi ba't gumagawa lamang tayo ng agwat-pangkultura dahil hindi naman naaayon ang mga teknolohiya ng mga industriyalisadong bansa sa atin. Simple lang, kulang sila sa tao kaya labor-extensive ang kanilang teknolohiya. Iangkat mo iyan sa atin na kulang sa trabaho. Resulta: lumalaking kakulangan sa trabaho o surplus ng labor.
Nais kong gawing tungtungan ang aking mga naipunto sa itaas para sa aking paglalakbay patungo sa aking ideya ng pan-Pilipinas.
:D